MANILA, Philippines - Nasakote ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pitong miyembro umano ng notoryus na gun-for-hire, robbery hold-up gang at drug syndicates sa operasyon sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ang mga nasakoteng suspek na sina Dick Cheney Salunoy, Anjo Rosales, Ibrahim Salindal, Efren Valerio, Pepe Rafael, Chrismar Calma at Onte Radzak.
Ayon kay Magalong dakong alas-5:30 ng umaga ng masakote ng mga operatiba ng PNP-CIDG- Anti Organized Crime Unit ang mga suspect sa isinagawang operasyon sa BIR Road, NAPOCOR compound, Brgy. Central, Quezon City.
Ang mga suspek ay dinakip sa bisa ng limang search warrants na inisyu ni Executive Judge Fernando Sagun Jr., kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o ang Illegal Posession of Firearms, Ammunition and Explosives. Konektado rin ang mga suspek sa Tala gang na nauna nang naaresto.
Nasamsam mula sa mga suspect ang apat na cal.45 pistols, dalawang cal 38 revolvers, isang cal 22 revolver, isang hand grenade, anim na magazine para sa cal.45 revolver, mga bala at ilang sachet ng shabu.