MANILA, Philippines – Dahil sa naganap na “Mamasapano massacre” na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-SAF ay inamin ng kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino sa Kamara na nalalagay sa alanganin ang pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sinabi ni Davao Rep.Karlo Alexie Nograles, bagamat nagpapatuloy ang pagtalakay nila sa BBL ay mayroong concerns kung kontrolado ba ng MILF ang sariling pwersa nito.
Ang House Adhoc Committee on the Bangsamoro ay magbigay umano ng taning sa mga otoridad na magsumite ng report kaugnay ng resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano massacre hanggang sa Pebrero 9.
Ayon pa kay Nograles, mahirap masabi kung ano ang magiging hakbang ng Adhoc Committee kapag natanggap na ang report dahil maaaring magbago ang sentimyento ng mga kongresista.
Malaking tanong umano kung papaano mabibigyan ng katarungan ang mga napatay ng MILF at BIFF sa madugong insidente at hindi maaaring magbulag bulagan na lamang dito ang kongreso.