MANILA, Philippines - Tinutugis ng mga otoridad ang isang abogado at dalawang kasamahan nito na sinasabing sangkot sa pagpatay sa isang jail officer ng Bureau of Corrections (BUCOR) na natagpuang patay sa loob ng inuupahang condominium unit ng abogado noong Sabado ng madaling araw sa Malate, Maynila.
Ikinokonsiderang person of interest si Atty. Vladimir Bugaring, 36. na siyang may-ari ng Unit No. 2503 ng Burgundy Condominium sa No. 2442 Taft Ave., sa Malate, Maynila na kinatagpuan ng bangkay ni Jail Officer 1 Tristan Cultivo, ng 155 Posadas Village, Sucat, Muntinlupa.
Bukod kay Bugaring ay pinaghahanap din ang tiyuhin nito na si alyas “Bob” at isa pang hindi nakikilalang lalaki.
Si Bugaring kasama ang dalawa pa ay nakita sa CCTV ng nasabing condominium na nagmamadaling umalis dakong alas-11:56 ng gabi.
Maging ang opisina ni Bugaring sa Amparo Building sa may España ay pinuntahan ng pulisya, subalit wala ito doon.
Sa isinagawang imbestigasyon sa crime scene ay natagpuan na nakapatong sa katawan ng biktima ang kanyang service firearms na hinihinalang ginamit sa pagpatay dito.
Nakita rin ang pagkasira ng lababo na indikasyon na nagpambuno ang biktima at mga suspek bago binaril ang biktima.
Hindi rin inaasahan ng pamilya ng biktima na si Bugaring ay isa sa mga suspek dahil naging professor pa umano ito ng biktima si Bugaring sa FEU noong nag-aaral pa sa kolehiyo at naging tagahatid pa ng mga dokumento sa abogado.
Batay sa pahayag ng kalapit kuwarto na bandang alas-11:30 ng gabi nang makarinig ng dalawang putok ng baril at sinasabing bandang alas-10:56 ng gabi nang makita ang biktima na dumating sa condo para maghatid ng mga dokumento kay Bugaring.
Nabatid din na pitong taon nang magkaibigan ang biktima at Bugaring na natulungan ang una na makapasok bilang jailguard.