MANILA, Philippines - Isang magandang balita ang inihayag ng pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang consumers hinggil sa pagbaba ng singil sa kuryente para sa buwan ng Pebrero.
Ang pagbaba ng singil sa kuryente ay bunsod nang patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa world market.
Ang nasabing pagbaba ng presyo ng krudo ay may direktang epekto sa presyuhan ng natural gas kung saan sila kumukuha mula 40 hanggang 60 porsyento ng kanilang suplay ng kuryente.
Ang mga Meralco consumers na kumukonsumo ng hanggang 200 kilowatt hour (kWh) kada buwan ay nabawasan ng P38.81 sa kanilang electric bill.
Ang mga gumagamit naman na 300 kWH ay natapyasan ng P58.22, habang ang kumukonsumo ng 400 kWh ay nabawasan ng P77.62 at ang mga kumukonsumo naman ng 500 kWh ay nakatipid ng P97.03.
Hindi pa naman tinukoy ng Meralco kung magkano ang tatapyasin nila sa presyo ng kuryente dahil pag-aaralan pa aniya ito at iaanunsyo na lamang sa mga susunod na araw.
Magugunita ngayong Enero ay tinapyasan na rin ng Meralco ng 19 sentimos kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente dahil sa pagbaba ng presyo ng carbon o coal at langis. - Mer Layson-