MANILA, Philippines - Napatay ng tropang gobyerno ang may 6 na miyembro ng Abu Sayyaf Group nang makubkob ang apat na kampo ng mga ito matapos ang dalawang araw na bakbakan sa lalawigan ng Basilan.
Sa ulat ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP Public Affairs Office, dakong ala-1:15 ng hapon kahapon nang masabugan ng Improvised Explosive Device (IED) ng mga Abu Sayyaf Group ang Armored Personnel Carrier (APC) ng tropa ng militar sa Brgy. Baiwas, Sumisip.
Wala namang nasugatan sa mga sundalo, pero nagtamo ng pinsala ang naturang tangke at sa sagupaan ay nasa anim na bandido ang napaslang habang anim pa ang nasugatan.
Nabatid na target ng operasyon ng military ang grupo ng mga Sub-leader ng Abu Sayyaf na sina Radzmil Jannatul at Jahaivel Alamsirul na responsable sa ambush slay kay 1st Lt. Jun Corpuz, miyembro ng Philippine Military Academy Class 2014 at lima pang mga sundalo sa Sumisip, Basilan noong Disyembre ng nakalipas na taon.