MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang miyembro ng Philippine Army na umano ay bodyguard ni Bureau of Customs (BoC) Deputy Commissioner Jessie Dellosa dahil sa pagdadala nito ng 9mm baril habang naghihintay sa pagdating ni Pope Francis sa SM Mall of Asia (MOA) Arena kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Ang suspek na nakakulong sa Pasay City Police detention cell ay kinilalang si Staff Sergeant Raymundo Nobleza, nakatalaga sa First Scout Ranger sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan at naninirahan sa #594 Swing Fire St., Palar Village, Makati City.
Batay sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang masita ang suspek sa kahabaan ng Bucaneg St., CCP Complex, Pasay City habang hinihintay ang pagdaan ng convoy ng Santo Papa patungo sa MOA Arena para dumalo sa gaganapin na“Encounter with Families”.
Napansin ng mga pulis ang sukbit nitong baril sa beywang kaya’t agad inaresto si Nobleza na hindi naman pumalag.
Ayon kay Nobleza na sumabay lamang siya sa pagluwas sa Maynila ni Baliuag Bulacan Mayor Carolina Dellosa na dadalo rin sa aktibidades ng Santo Papa sa MOA Arena.
Samantala, inaresto rin ang sekyu na si Jeoffrey Agan, 34, residente ng #68 Corpuz St., Barangay Sucat Muntinlupa City nang makumpiskahan ito ng toy gun habang naghihintay din sa pagdating ng Santo Papa sa lugar dakong ala-1:30 ng hapon.