MANILA, Philippines - Kaugnay ng nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban City at Palo, Leyte ngayong araw ay nasa 15,000 sundalo at pulis ang idedeploy.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., nasa 7,000 sundalo mula sa Army’s 8th Infantry Division (ID) at mga reservist ang mangangalaga sa seguridad ni Pope Francis, entourage, mga opisyal ng pamahalaan at mga debotong dadagsa sa okasyon.
Ang pagbisita ni Pope Francis sa Leyte ay bahagi ng 5 day state visit nito sa bansa kung saan ay magdaraos rin ito ng misa sa Tacloban City at makakasalo sa pananghalian ang mga survivors ni supertyphoon Yolanda sa bayan ng Palo.
Sa panig naman ng PNP, nasa 8,000 pulis ang nakatalagang mangalaga sa Santo Papa.
Sa nasabing bilang 5,000 pulis ang nakatalaga sa motorcade; 2,000 naman sa misa na isasagawa ni Pope Francis sa Daniel Romualdez Airport habang 500 naman sa Palo Cathedral; 300 sa Pope Francis Center at 200 naman para magsagawa ng checkpoint.
Si Yolanda ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ay nanalasa sa Visayas Region partikular na sa Leyte at Samar noong Nobyembre 2013.