Guro itinumba sa classroom, pupil sugatan

MANILA, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang guro habang sugatan ang estudyante nito sa loob ng classroom ng paaralan sa bayan ng President Roxas, North Cotabato, kamakalawa.

Kinilala ang nasawing guro na si Morato Ampatuan, 49, guro sa Grade V at residente ng Pagalungan ng lalawigang ito, habang isinugod naman sa ospital ang estudyante nito na si Josephine Midtimbang,10-anyos.

Sa ulat ng North Cotabato Police, naganap ang insidente sa silid aralan ng isang elementary school bandang ala-1:30 ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, abala sa pagtuturo si Ampatuan sa kaniyang mga estudyante nang big­lang pasukin ng mga armadong suspek ang silid-aralan at paputukan ang nasabing target na guro saka mabilis na nagsitakas.

Magugunita na noong nakalipas na Enero 10 ay pinagbabaril din ang principal ng  Pagagawan High School  sa bayan ng Pikit ng lalawigang ito.

Show comments