Trike driver dinedo habang naghihintay ng pasahero

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 52-anyos na tricycle driver nang barilin ng isang lalaki habang naghihintay ng pasahero kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ang nasawi dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Arsenio Delos Reyes, ng 1848 Antipolo St., Tondo, Maynila.

Tumakas ang suspek at sumakay sa isang motorsiklo na binabantayan ng dalawang lalaki na nagsilbing lookout.

Sa ulat, dakong alas-10:20 ng gabi sa harapan ng dating Alqueen Memorial Service sa Solis St., Tondo ay nakaupo sa tabi ng kanyang pinapasadang tricycle ang biktima nang tumigil sa harap niya ang isang motorsiklo na kulay itim at lulan ang tatlong suspek.

Isa sa angkas ang bu­maba at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay sa biktima.

Show comments