MANILA, Philippines - Kapwa lasog ang katawan ng isang lalaki na pinaghihinalaang bomber at isang 9-anyos na batang babaeng mag-aaral habang 15 pa ang nasugatan na karamihan ay mga estudyante nang sumabog ng wala sa oras ang dalang bomba ng una sa tabi ng isang elementary school sa Pontevedra, Capiz kahapon.
Ang nasawing bata ay kinilalang si Trina Rose Demayo, grade school pupil habang inaalam pa ang pangalan ng nasawing lalaki na sinasabing may dala ng sumambulat na Improvised Explosive Device (IED).
Dinala sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na karamihan ay mga elementary pupil sa Lantangan Elementary School.
Sa ulat ni Sr. Supt. Ulysses Caton, Provincial Director ng Capiz Police, dakong alas-12:20 ng tanghali nang maganap ang pagsabog sa labas ng nasabing eskuwelahan malapit sa barangay hall sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Lantangan.
Nabatid na breaktime sa nasabing eskuwelahan nang mangyari ang insidente habang manananghalian ang mga guro at estudyante sa naturang eskuwelahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya nakitang naglalakad ang nasabing lalaki patungo sa direksyon ng barangay hall na may dala ng backpack nang biglang sumambulat ang bomba na nakalagay dito kung saan nadamay ang mga inosenteng biktima.