LRT-Quirino Station sarado sa papal visit

MANILA, Philippines - Bagama’t tuloy ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 sa mga petsa na nasa bansa si Pope Francis ay isasarado naman ang isang istasyon nito sa Maynila sa mga ispesipikong oras at araw para sa seguridad ng Santo Papa.

Ayon kay LRT Authority (LRTA) spokesman Hernando Cabrera, pansamantalang isasarado nila sa ilang pagkakataon ang Quirino Station dahil malapit ito sa Papal Nunciature na magiging official residence
ng Santo Papa habang nasa bansa ito.

Batay sa sche­dule ng LRT-1 na inilabas ng LRTA, nabatid na magiging no loading at unloading station ang Quirino Station sa mga sumusunod na petsa at oras,  mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi sa Enero 15; buong araw o mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng gabi ng Enero 16; mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi (bukas ang istasyon mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon) sa Enero 17; buong araw o mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng gabi sa Enero 18; at mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga sa Enero 19.

Ang LRT-1 ang nag-u­ugnay sa Roosevelt Avenue sa Quezon City hanggang Baclaran Station sa Parañaque.

Nakatakdang dumating sa Pilipinas si Pope Francis sa Enero 15 hangang 19.

 

Show comments