MANILA, Philippines – Nakapagligtas ng buhay ang inilatag na checkpoint ng mga tauhan ng Delpan Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District-Station 2 nang madiskubre nila sa text messages ng sinitang motorista na isa pala itong ‘hitman’ at may balak na itumba kahapon ng umaga.
Ang suspek na itinuturing na hitman ay kinilalang si Rafael Nepa, 33-anyos, jobless, residente ng Purok 3, Isla Puting Bato, Tondo.
Nadakip din sa follow-up operation ang kasabwat nitong si Joven Villanueva, 35, ng Purok 2, Isla Puting Bato, Tondo.
Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang maglatag ng checkpoint ang mga pulis sa kanto ng Zaragosa at Kagitingan Sts., Tondo.
Nakaagaw ng pansin sa mga pulis ang pabalik-balik na Fino Yamaha 8496 QW na minamaneho ni Nepa kaya’t sinita ito at nirekisa ang katawan at dito ay nadiskubre na may itinatagong baril sa beywang.
Nang usisain ang hawak na cell phone ay nabasa ng mga pulis ang mensahe hinggil sa itutumbang si alyas “Bobot” na vice president ng samahan ng mga porter.
Natuklasang positibong may itutumba na nangangalang Rodolfo Abierra, alyas “Bobot”, 62 anyos kaya ito inimbitahan sa himpilan ng pulisya.