12 Bilibid gang leaders binartolina

MANILA, Philippines - Ipinabartolina ni Justice Sec. Leila de Lima ang 12 gang leaders sa Maximum Security Com­pound  sa loob ng Na­tional Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City makaraang maganap na pagsabog ng granada na ikinasawi ng isang preso na nakilalang si Jojo Sampo ng Commando Gang at pagkasugat ng 19 iba pa.

Anya, kailangan munang  i-isolate ang mga  gang leaders dahil ang mga ito ang siyang sinusunod ng kanilang mga kasamahan sa  kulungan at dapat bigyan ng  pagdisiplina ang mga ito dahil mas lalong  binabaon sa kontrobersiya  ang  Bureau of Corrections (BuCor).

Nagtataka si De Lima kung bakit may ganung uri ng armas na ginamit at nangangahulugan na may mga nakatago pang   mga armas sa loob ng  piitan.

Nagbigay ng dalawang oras na palugit si De Lima sa mga gang leaders na ilabas ang mga nakatago pang armas at pagkatapos ng palugit na hindi inilabas ang mga nakatagong armas ay ipi­nabartolina na ang mga ito.

Hinala ni De Lima na diversionary tactics ang  pagsabog dahil posibleng nais lamang na lituhin ng mga  responsable sa pagsabog  ang kanilang isinagawang imbestigasyon  sa mga kinasasangkutan ngayon ng   Bucor.

Muling sinalakay ang mga piitan at muling nakasamsam ng matataas na kalibre ng baril, pampasabog, bala, sumpak, pa­talim, aircon units, flat screen TV, computer, refrigerator at DVD players.

Show comments