MANILA, Philippines – Narekober ng mga otoridad ang isang US Navy target mission plane makaraan itong bumagsak sa karagatan ng lalawigan ng Quezon.
Sa natanggap na ulat ni AFP Southern Luzon Command Major Gen. Ricardo Visaya, dakong alas-4:00 ng hapon noong Linggo nang marekober ang Aerial Target Drone BQM 74E PBIT sa bahagi ng karagatan ng Sitio Katakian, Brgy. Busdak, Patnanungan ng lalawigan.
Nabatid na noon pang Enero 2 napaulat na may lumulutang na aerial target drone sa karagatan ng Island municipality ng Patnanungan matapos itong i-report ng mga mangingisda.
Hindi kaagad nakuha ang nasabing aerial target drone dahilan sa masamang lagay ng panahon dulot ng bagyong Seniang.
Pinaniniwalaan namang napadpad lamang sa lugar ang nasabing aerial drone na pinabagsak ng bagyong Seniang.