MANILA, Philippines – Isang Bahaman ship Bulk Jupiter na may 19 Pinoy crew member ang kasama sa lumubog na barko sa East Vietnam Sea.
Iniulat ng news site na Tuoitrenews.com ang paglubog ng cargo ship na pawang ang crew ay 19 Pinoy.
Nasagip naman ng Japanese Coast Guard ang isang tripulanteng Pinoy na hindi pa pinapangalanan habang dalawang bangkay na rin na umano ay Pinoy ang narekober matapos na makatanggap ng emergency signals dakong alas-11:30 ng umaga noong Enero 2 (Biyernes) ang nasabing coast guard.
Natagpuan naman ng barkong Zim Asia ang isang lifeboat at life raft na walang sakay, malapit sa lugar na kinalubugan ng Bulk Jupiter.
Patuloy ang paghahanap ng 16 pang Pinoy crew members ng lumubog na barko na may kargang 46,400 tons ng Bauxite mula sa Malaysia patungong China.
Ayon naman kay Department of Foreign Affairs (DFA) Asec. Charles Jose na patuloy na kumokontak sa Philippine Embassy sa Hanoi na nakikipag-coordinate naman sa mga Vietnam authorities upang makakuha pa ng mga impormasyon sa paglubog ng Bulk Jupiter.
Hinihinala ng mga otoridad na ang ikinargang basang Bauxite ang dahilan ng paglubog ng barko.
Patuloy naman ang isinasagawang rescue operation ng Singaporean Authorities. Ang Bulk Jupiter ay pag-aari ng Bergen-based Gearbulk.