MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang isinusulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago na naglalayong tuluyang i-ban ang mga produktong nagtataglay ng asbestos sa bansa na ayon sa mga scientists ay isang “category A carginogen”.
Sa Senate Bill 2471 na inihain ni Santiago, nais nitong tuluyang ipagbawal ang importasyon, paggawa, processing at distribusyon ng mga produktong may asbestos dahil lubha itong delikado sa kalusugan.
Kahit aniya ang napakaliit ng exposure sa asbestos ay maari pa ring makasama at makapagdulot ng sakit.
“Asbestos is classified by scientists as a category A human carcinogen, the highest cancer hazard classification for a substance. Further, there is no known safe level of exposure to asbestos. Even low levels of exposure may cause asbestosrelated diseases, such as mesothelioma,” ani Santiago sa kanyang panukala.
Ipinaliwanag ni Santiago na maraming mga tao ang naniniwala na hindi delikado ang exposure sa asbestos na ginagamit sa mga bagong commercial products katulad ng roofing products, coatings, at friction products.
Ayon kay Santiago, milyon-milyong manggagawang Filipino ang exposed sa mataas na level ng asbestos at maging ang pamilya ng mga ito ay nagkakaroon rin ng exposure.
Ang asbestos ay ipinagbawal na sa nasa 40 bansa kabilang na ang Argentina, Australia, Austria, Belgium, Chile, Croatia, the Czech Republic, Denmark, Estonia, Finland, France, Germany, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, 1 Luxembourg, Netherlands, Norway, Poland, Portugal, Saudi Arabia, Slovak Republic, Spain, Sweden, Switzerland, at sa United Kingdom.
Ipinagbawal na rin ito sa buong European Union noong 2005.
Mismong si Santiago ang umamin noon sa media na nilalabanan niya ngayon ang sakit na cancer kaya halos hindi na ito dumadalo sa mga sesyon ng Senado.