Ayaw isoli ang naiwang jacket... ginang inutas ng bagets

MANILA, Philippines – Tinarakan ng itak sa leeg ang isang 29-an­yos na ginang ng isang 14-anyos na binatilyo matapos ayaw umanong isoli ng una ang naiwang jacket ng huli naganap kamakalawa sa Brgy. Taruc, Remedios T. Lim, Zamboanga Sibugay.

Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ay kinilalang si Arlyn Lanot, kapitbahay ng suspek na itinago sa pangalang Jemuel.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-12:00 ng tanghali sa nasabing lugar ay nagpunta ang suspek sa bahay ng biktima upang kunin ang naiwan nitong jacket na regalo lamang sa kaniya at may ‘sentimental value’.

Tumanggi umano ang ginang na isoli ang jacket at sinabi na wala sa kanya, subalit nagpumilit ang binatilyo na kunin kaya’t sinampal siya ng una.

Nagalit ang suspek at umuwi ng kanilang bahay at ilang sandali ay bumalik ito na armado ng itak at agad na tinarakan ang ginang sa leeg.

Nadala pa sa ospital ang ginang, subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas habang ang suspek ay naaresto.

Show comments