MANILA, Philippines - Umakyat na sa 73-katao ang naitalang nasugatan o nabiktima ng paputok simula noong Disyembre 21, ayon sa Department of Health.
Kalulunsad pa lamang ng DOH nitong nakaraaang Dis. 21 ang annual monitoring sa mga napuputukan para sa Kapaskuhan at pagsalubong sa 2015.
Sa Firecrackers Injury Registry ng DOH na may petsang Dis. 26, ang kabuuang 73 kaso ay mas mababa kumpara sa kaparehong panahon ng 2014.
Sa tala, 73 kaso, nasa 64 dito ay mga lalaki na may edad mula 3 hanggang 68 at karamihan ay mga bata na hindi bababa sa 10 taong gulang.
Ang 23 biktima mula sa 73 kaso ay naireport sa National Capital Region (NCR) partikular sa Maynila na may naitalang 10 kaso.
Sa Pasig ay may 6 kaso, tig- 2 kaso naman sa Las Piñas City at Pasay City. Habang hindi naman nabanggit kung saang lugar sa NCR nagmula ang tatlong iba pang naputukan.
Ang mga nasugatan ay mga “active users” o sila mismo ang gumamagit at nagsindi ng paputok.
Lumalabas na 59 sa kaso ang nasabugan na hindi na kinailangan pang putulan ng parte ng kamay , 5 ang kinailangang putulan, 9 kaso ang nagtamo ng eye injury.
Nangunguna pa rin ang “Piccolo” sa nagtala ng kaso habang ang iba ay “Luces”, “boga” ,” plapla”at “five-star”.
Hanggang Enero 5, 2015 mananatili ang pagsasailalim sa code white alert sa lahat ng DOH central office, regional offices at DOH-retained hospitals at piling mga pribadong health facilities.