MANILA, Philippines - Sa halip na masayang family reunion ay malungkot ang naging Pasko ng isang pamilya matapos na barilin at mapatay ang isang 40-anyos na miyembro ng University of the Philippines–Philippine General Hospital (UP-PGH) Police ng hindi pa kilalang salarin habang naglalakad patungo sa Light Rail Transit (LRT) Pedro Gil Station, Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Felipe Delos Reyes, Jr. Escotillo, supervisor ng UP-PGH Police at residente ng no. 1292 Cityland Avenue, Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.
Ang suspek na inilarawan ng mga testigo ay nakasuot ng bull cap, longsleeve na puti, nasa 5’4” ang taas at katamtaman ang pangangatawan.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga ay naglalakad ang biktima sa harap ng Plaza Pedro, Taft Avenue, malapit sa kanto ng Pedro Gil St., Ermita para sumakay ng LRT nang barilin ng suspek sa ulo.
Matapos na mabaril ang biktima ay mabilis na nagtatakbo ang suspek na tangkang habulin ng mga nakakita, subalit dahil sa may dalang baril ay hindi na nila itinuloy ang paghabol.
Sa salaysay ng mga kapatid at ina ng biktima na magsasagawa sana sila ng family reunion at pauwi na ito nang mangyari ang krimen.