Naistorbo sa pagtulog pumatay

MANILA, Philippines – Ang pagiging makulit ng isang 27-anyos na hel­per ang nagdala sa kanya ng kamatayan nang siya ay saksakin ng isa sa naistorbo sa pagtulog kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Namatay habang dina­dala sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si  Raffy Viray, ng no. 809 Marquitos St., Sampaloc, Maynila dahil sa isang tama ng saksak sa dibdib.

Ang suspek na tumakas ay nakilalang si Federico Dinong, 40, ng Barangay San Roque, Agham Road, Quezon City.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:45 ng gabi sa loob ng Trabajo Market sa M. Dela Fuente St., ay natutulog ang suspek nang dumating ang biktima at nag-iingay.

Dahil sa naistorbong tulog ng suspek ay lumabas ito ng  stall at ikinuwento sa ibang kaibigan ang pagkayamot sa biktima.

Nang  makita niya ang biktima na papasakay ng bisikleta ay nilapitan ito ng suspek at inundayan ng saksak sa dibdib.

Show comments