MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na wala pang desisyon si Pangulong Noynoy Aquino kung sino ang dapat maging kalihim ng DOH matapos pormal na tanggapin ang pagbibitiw ni Health Secretary Enrique Ona kaya’t mananatili pa rin acting secretary si Usec. Janette Garin.
Ayon kay Lacierda status quo muna ngayon sa DOH hangga’t wala pang inihahayag na papalit kay Ona.
Idinagdag pa ni Lacierda na wala rin silang impormasyon kung bakit tinanggap ng Pangulo ang resignation ni Ona.
“Kung ano ang reason ng pagtanggap ng resignation ni Secretary Ona, we do not have any information in that regard. What we were told and as mentioned by Secretary (Sonny) Coloma yesterday is that the Executive Secretary informed Secretary Ike Ona of the President’s acceptance of his resignation. Other than that statement, we have no information anymore,” dagdag ni Lacierda.
Idinagdag rin ni Lacierda na hindi nila alam kung ano ang nilalaman ng resignation letter ni Ona.
Tiniyak rin ni Lacierda na hindi maaapektuhan ang DOH ng tuluyang pagtanggap ng Pangulo sa resignation ni Ona at magpapatuloy pa rin ang mga nakahanay na proyekto ng ahensiya sa pangunguna ni acting Secretary Garin.
Patuloy pa rin ina-assess ng Pangulo ang ulat tungkol sa sinasabing kuwestiyunableng anti-pneumonia vaccines na kinuha ng DOH noong nakaupo pa si Ona.