Pemberton, pamilya Laude nagharap na!

Emosyonal na kinuhanan ng litrato ni Malou Laude, kapatid ng pinaslang na Pinoy transgender na si Jeffrey “ Jennifer” Laude, si US Marine L/Cpl. Joseph Scott Pemberton, habang isinasagawa ang pagdinig sa mosyon ng mga ito sa Olongapo City Regional Trial Court.

MANILA, Philippines - Nagharap na kahapon sa korte ng Olongapo City sina US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at ang pamil­ya ng pinaslang umano nitong si Filipino transgender Jeffrey “ Jennifer “ Laude  para sa itinakdang pagbasa ng sakdal sa kaso.

Si Pemberton ay isinailalim sa booking procedure pero  natuloy ang pagbasa ng sakdal  sa kasong murder kay Laude matapos na  kapwa maghain ng mosyon ang kampo nina  Pemberton at ang legal counsel ni Laude na si Atty. Harold Roque sa sala ni Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde.

Kabilang sa ‘booking procedures’ ay ang pagkuha ng mugshot, fingerprints at pagsailalim sa medical examination kay Pemberton. Ito naman ang unang pagharap ni Pemberton matapos na maganap ang krimen noong gabi ng Oktubre 11 sa lungsod. Hiniling ng kampo ni Pemberton na suspindihin ang paglilitis  habang nais naman ng pamilya Laude na buksan sa media ang pagdinig sa kaso at  mailipat ang una sa lokal na piitan sa Olongapo City.

Si Pemberton ay ibi­niyahe patungong Olongapo City Hall of Justice at ineskortan ito ng Military Police Battalion ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kung saan dakong alas-2:00 ng madaling-araw ay inilabas ito ng detention cell  at nakarating sa Olongapo ng alas-4:30 ng umaga. Dumalo rin sa pagdinig ang mga opisyal ng US Forces at US Embassy sa Maynila.

Bandang alas-8:30 naman ng umaga ng duma­ting ang kapatid ni Jeffrey na si Marilou, abogadong si Atty. Virgie Suarez habang ibinawal naman sa media ang coverage.

Nabatid kay Atty. Roque na dedesisyunan pa ng korte ang kanilang apela habang ang pro­seso naman sa mosyon ng kampo ni Pemberton ay dedesisyunan ng korte sa darating na Disyembre 22.

Samantalang alinsunod naman sa commitment order, sinabi ni RTC Branch 74 Clerk of Court Atty. Gerry Gruspe na mananatili si Pemberton na nakakulong sa US facility sa Camp Aguinaldo.

Si Pemberton ay akusado sa pagpaslang sa Pinoy transgender na si Laude na natagpuang  patay at  nakasubsob ang ulo sa inidoro ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong madaling araw ng Oktubre 12 matapos naman itong paslangin bago maghatinggabi noong Oktubre 11.

Magugunita na nitong Lunes ay sinampahan ng  murder ng Olongapo City Prosecutor’s Office si Pemberton matapos na makitaan ng ‘probable cause ‘at ‘aggravating circumstances ‘ ang kaso.

Show comments