MANILA, Philippines – Makakaranas ng masayang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong taon ang limang sibilyan nang makatanggap ang mga ito ng kabuuang P3 milyon bunga ng pagbibigay ng impormasyong nagresulta sa pagkakabuwag ng malaking sindikato na sangkot sa iligal na droga, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ang pabuya ay bunga ng programang Operation: Private Eye (OPE), na ang mga impormante ay personal na inabutan ng cash reward na may kabuuang P2,998,358.25 na ginanap sa Flag Raising ceremony sa PDEA National Headquarters Quezon City.
Ang lima ay kinilala sa mga codename na Omar, Reggie, Machete, Kulot at Coleen Sarmiento.
Sa mga impormanteng si Coleen Sarmiento ang nakatanggap ng malaking reward na nagkakahalaga ng P1.5 milyon dahil sa impormasyon na nagresulta sa pagkakabuwag ng isang laboratoryo ng shabu at pagkakasamsam ng may 16.51 kilograms at 35.25 litro ng shabu, at ang pagkakadakip sa anim na dayuhan sa ginawang pagsalakay sa bisa ng isang search warrant sa Camiling, Tarlac noong November 6, 2014.
Si Reggie ang sumunod na nakatanggap ng malaki na aabot sa P732,414.84 matapos makapagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng 10,831.30 gramo ng shabu at ang pagkakadakip sa dalawang personalidad sa droga sa isang anti-drug operation sa Binondo, Manila noong April 8, 2014.
Umabot naman sa P581,220.69 ang natanggap ni Kulot dahil sa impormasyong ibinigay nito para madakip ang anim na dayuhan at pagkakasamsam sa 1,810.10 gramo ng shabu at pakakabuwag sa maliit na laboratoryo ng shabu nang isagawa ang pagsalakay sa Industrial Estate Rincon, Valenzuela City noong October 15, 2014.