MANILA, Philippines – Nasa 28 kababaihan at bata ang nagiging biktima ng rape araw-araw sa bansa.
Ito ang ibinunyag ni House Deputy majority leader at Makati Rep. Abigail Binay kaya’t kinuwestyon nito ang pulisya kung bakit hindi nito nasasawata ang nasabing problema.
Sa datos ng kongresista na mula Enero hanggang Setyembre lamang ng taong ito ay nasa 7,785 na kaso ng rape ang napaulat habang noong nakaraang taon ay nasa 25 kaso araw-araw ang naitala o sa kabuuang 9,177 kaso ng rape sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaya nangangamba si Binay na umabot sa 10,000 ang bilang ng nasabing kaso na sa kaunaunahang pagkakataon ay pinakamataas na bilang.
Kinuwestyon din nito kung bakit kapos sa aksyon at resolusyon sa pagsugpo sa malalagim na pag-atake sa mga kababaihan kabilang ang mga bata.
Mukha anyang natutulog sa pansitan ang ilang miyembro ng PNP dahil kailangan na rin umano ng mas mahigpit na polisiya para malabanan ang nasabing krimen.
Sinabi ng kongresista na statistics ng PNP ang pinagmulan ng kanyang impormasyon na nasa 7,785 na kaso ng rape ang naiuulat araw-araw batay sa blotters ng pulisya, barangays at iba pang law enforcement agencies.
Dahil dito isinusulong din ni Binay ang imbestigasyon sa pagpapatupad ng Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998 kasabay ng kaniyang mungkahi na dagdagan ang women’s desk sa bawat istasyon ng pulisya.