Justice Zones, inilunsad ng JSCC

MANILA, Philippines – Upang ipakita ang pagtutulungan ng ehekutibo at hudikatura, inilunsad ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) ang Justice Zones pro­ject upang tugunan ang pagkabalam ng mga kaso at iba pang mga problema sa justice system sa pamamagitan ng ugnayan ng iba’t ibang sektor.

Ang proyekto ay gi­nawa upang mapagtibay ang ugnayan ng mga pangunahing haligi ng hudikatura at upang masigurong mapapadali at mas magiging epektibo ang mga repormang institusyonal.

Maituturing na Justice Zone ang isang lugar kung mayroon itong naitatag na mga reporma hinggil sa ugnayan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ang konseptong ito ay may sinusunod na proseso batay sa criminal justice system (mula sa alternative dispute resolution mechanisms, pagbuo ng kaso, paglilitis, hanggang sa post-judgement incidents) at resource requirements upang tuluyang gumana ang isang justice zone.

Kabilang sa mga nasabing pamantayan ang pagpapatupad ng mga pamamaraan ng Alternative Dispute Resolution (ADR); pro­teksiyon sa karapatan ng isang akusado; pagsasanay para sa mga pulis, piskal at huwes; pagbibigayan ng mga impormasyon; pagtutulungan sa paghahanda at pag-iingat sa ebidensiya; at mga reintegration program.

Unang isasailalim sa nasabing pagsusuri ang Lungsod ng Quezon, kung saan ilulunsad ang proyekto.

Isa sa mga naipatupad nang proyekto ang Electronic  Subpoena  Service  and  Management System (e-Subpoena) na naglalayong tiyakin ang pagdalo ng mga pulis sa mga paglilitis ng mga kaso upang magbigay ng testimonyang maaaring magsilbing ebidensya sa paglilitis.

Show comments