Roxas ipinagamit ang Oplan Lambat-Sibat sa PNP kontra krimen

MANILA, Philippines – Kasama ang mga direktor ng Philippine National Police (PNP), ipinakilala ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang Oplan Lambat-Sibat na binubuo ng mga operasyon ng pulis na naglalayong pababain ang bilang ng krimen sa Kamaynilaan at sa buong bansa, gamit ang datos at estadistika.

“Kung hindi mo ka­yang sukatin, hindi mo ito kayang pangasiwaan,” sabi ni Roxas tungkol sa kahalagahan ng progra­matiko, sadya at patuloy-tuloy na pakikipag­laban sa mga kriminal.

Mula noong Hunyo, sumusunod si Roxas sa atas ng Pangulong Aquino na solusyonan ang lumalalang problema sa krimen sa Metro Manila.

“Hindi na puwede ang patsamba-tsamba, kanya-kanya at ningas-kugon,” diin ni Roxas na idinetalyeng mula sa 900-1000 insidente ng nakawan kada linggo noong Hunyo, bumaba ito nang kalahati sa 520 noong ikatlong linggo ng Nobyembre. “Nga­yon, alam na natin na may kaugnayan ang pagdami ng mga operasyon kontra krimen at ang pagbaba ng bilang ng krimen,”

Ilan sa mga operasyong ito ang Oplan Lambat na nagsisilbing lambat upang mahuli ang mga kriminal. Kada “sinulid” ng lambat na ito ay isang operasyon kontra krimen tulad ng Oplan Katok, Oplan Bulabog at Oplan Bakal Sita.

Mayroon ding tinatawag na Pasadya, kung saan naaayon sa partikular na lugar at kapaligiran ang uri ng operasyong inilalaan ng pulisya tulad ng mga mall, istasyon ng LRT at MRT at mga terminal.

Ang Oplan Sibat naman ay para sa mga kriminal na itinuring na target at most wanted ng PNP.

Ayon sa kalihim, ang paggamit ng datos ang magiging susi upang masiguro ang pananagutan at integridad ng mga opisyal ng pulisya.

Show comments