6 DLSU students tugis sa pananaksak sa mata ng Mapua student

MANILA, Philippines – Pinaghahanap ng mga otoridad ang anim na lalaki na umano ay mga estudyante ng De La Salle University (DLSU) at umano’y miyembro ng Tau Gamma Phi frater­nity matapos pagtulu­ngang bugbugin at saksakin ng basag na bote ang kanang mata ng isang 20-anyos na estudyante ng Mapua Institute of Technology (MIT) sa isang bar sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang naka-confine at isasailalim sa operasyon sa Manila Doctors’ Hospital ang biktimang si Lance Vicoy, graduating student ng MIT, residente ng Grand Towers sa Pablo Ocampo St., Malate  na pamangkin ng photojournalist na si Ali Vicoy.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong 11:30 ng gabi noong Biyernes sa loob ng Beach House Resto Bar sa Agno St., likuran ng De La Salle Univer­sity-Manila ay kasama ng biktima ang isang Enzo, 17.

Kinursunada umano ng mga suspek si Enzo kung kaya’t napatakbo ang biktima para umawat.

Hindi nagustuhan ng mga suspek ang pakikialam ng biktima kaya’t pinalibutan ito at pinagbubugbog at isa sa mga suspek ang nagbasag ng bote at ipinalo sa mata ng biktima na naging dahilan upang mawasak ang talukap at masugatan ang loob.

Nabatid sa tiyuhin ng biktima na si Ali Vicoy, photographer ng Manila Bulletin na ikalawang araw pa lang sa nasabing pagamutan ng pamangkin ay umaabot na ang bill sa P800,000.

Pinakagrabe ay ang pagkasira ng tubo na dinadaanan ng luha ng biktima kaya’t  permanente na umanong  dadaloy ang luha at palaging basa ang mata at mukha ng biktima.

Nakatakda sana ang pagtungo ng biktima sa Estados Unidos sa susunod na linggo na malabo nang matuloy dahil sa pinsala.

Show comments