MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis-Pasay nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kamakalawa ng gabi malapit sa Pasay City Hall.
Ang biktima na nagtamo ng tatlong tama sa ulo at katawan ay kinilalang si SPO3 Delfin Macario, 49, nakatalaga sa Station Anti-Drugs- Special Operation Task Group (SAID-STOG) ng Pasay City Police at naninirahan sa Block 4, Lot 2, Vereneo Subdivision, Barangay San Sebastian, Kawit, Cavite.
Batay sa ulat, bandang alas-9:21 ng gabi, malapit sa Pasay City Hall tapat ng Summerlin Building na matatagpuan sa kahabaan ng F. B Harrison St., kanto ng Valhalla St., ng naturang lungsod ay kasalukuyang naglalakad si SPO3 Macario patungo sa kanyang nakaparadang kulay silver na Mitsubishi Montero (MAC-56) na nakaparada sa nasabing gusali.
Habang binubuksan ang parteng likod ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo at sabay na pinaputukan ng tatlong beses sa ulo at katawan ang biktima.
Pagbagsak ng biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Libertad St.
Ilang bystanders na nakakita sa pangyayari ang nagsugod sa biktima sa ospital.
Nakatakdang busisiin ng pulisya ang nakakabit na CCTV camera sa naturang lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.