MANILA, Philippines - Nasugatan ang isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang gulpihin at kaladkarin ng isang motorista na sakay ng isang sport car na kanyang sinita dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Quezon City kahapon.
Kinilala ang biktima na si Jorby Adriatico, nasa hustong gulang at miyembro ng MMDA na duguang isinugod sa ospital dahil sa tinamong sugat sa ilong nang sapakin ng isang hindi nakikilalang motorista na nasa edad na 30 at sakay ng isang sports car na may tatak na marshal Maserati na walang plaka.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga ay nagmamando ng trapik si Adriatico kasama ng isang Rodolfo Fernandez nang makita nila ang sports car na galing ng Del Monte na kumaliwa sa Araneta Avenue.
Dahil bawal ang mag-u-turn sa lugar ay nagpasya si Adriatico na kunan na lang ito ng litrato para maging ebidensya na minasama ng driver ng sports car at nag-dirty finger ito.
Ilang sandali ay muling nag-U-turn ang nasabing motorista sa intersection papunta sa kanila saka huminto malapit kay Adriatico.
Lumapit si Adriatico sa motorista at pinakiusapan niyang ulitin ang ginawang pag-dirty finger sa kanya.
Bigla na lamang hinablot ng driver ang kanyang uniporme at pinaandar ito dahilan para makaladkad at habang kinakaladkad ay sinusuntok siya ng driver sa mukha.
Pinakawalan lamang si Adriatico pagsapit sa Scout Chuatoco at bago umalis ay hinagisan pa ng damit ang una para ipamunas sa umaagos na dugo sa kanyang mukha kalaunan ay nakilala ang driver na si Joseph Russel A. Ingco.