Taga sa ina at kapatid sinalo ng ate

MANILA, Philippines - Ipinakita ng isang 32-anyos na dalaga ang kanyang pag-ibig sa  kanyang ina at kapatid nang saluhin nito ang mga taga ng itak mula sa isang nag-aamok na lalaki kamakalawa sa Zone 1, Brgy. Lapaz, Zamboanga City.

Ang nasawi ay kinilalang si Rica Esteban, na nagtamo ng malalalim na taga sa tiyan.

Malubhang nasugatan ang kapatid nitong si  Julius Esteban at inang si Aida Esteban, 58, kapwa nagtamo ng mga taga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Nadakip  ang suspek na si Winston Loba, 40 na nakakulong  na sa detention cell ng Ayala Police Station 9, Zamboanga City.

Sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga sa Zone 1, Brgy. Lapaz ay  bigla na lamang nagwala ang suspek na si Loba na naghahamon ng suntukan kay Julius.

Nang hindi kumasa ay pinasok ang bahay nito at agad na tinaga sa ulo.

Sumaklolo ang kanyang ate at ito ang  pinagdiskitahan tagain habang pati ang kanilang ina ay pinagtataga rin.

Nasakote naman ng mga nagrespondeng otoridad ang suspek na nasamsaman ng itak na ginamit sa pananaga sa pamilya Esteban.

Kinasuhan ng homicide at 2 counts ng frustrated homicide ang suspek.

 

Show comments