College student dedo sa 2 kabaro... away sa iskul, tinapos sa bar

MANILA, Philippines – Isang computer student ang nasawi matapos na siya ay pagsasaksakin ng dalawang estudyante na naging kaaway nito noong sila ay high school pa naganap kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Ang nasawi dahil sa saksak sa dibdib ay kinila­lang si  Emmanuel Dorado, 28, 1st year college sa Asian Business Education (ABE) Computer College at residente ng Rockefeller St., Barangay San Isidro ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang lalaki na nakilalang si Tristan Venavidez at isang “alias Niko”, kapwa estudyante  ng Centro Escolar University.

Batay sa ulat, dakong alas-11:32 ng gabi sa loob ng Hard Hat Resto Bar na matatagpuan sa #7271 Malugay St., Barangay San Antonio Village ng naturang siyudad ay kasama ng mga suspek na nakasuot  pa umano ng CEU uniform ang ilan nilang kaibigan at nag-iinuman.

Nandoon din ang biktima na kasama rin ang ilang kaibigan.

Dahil pawang nakai­nom ang mga suspek ay nakita  nila ang biktima at nilapitan na kung saan ay  naungkat ang dati nilang alitan hanggang sa nagkaroon ng komosyon ang magkabilang panig.

Sa gitna ng away ay kumuha ng patalim ang mga suspek at inundayan nang saksak ang biktima na duguang bumagsak.

Mabilis na tumakas ang mga suspek habang dinala ng mga tao doon ang biktima sa nasabing pagamutan, subalit hindi na umabot  ng buhay.

Lumalabas sa imbes­tigasyon ng pulisya na may dati nang alitan ang biktima at mga suspek noong sila ay high school student pa lamang.

Show comments