MANILA, Philippines – Himalang nabuhay ang isang 21-anyos na lalaki na sinalvage ng isang pulis, barangay chairman at dalawang iba pa noong nakaraang buwan sa Brgy. Central, Taguig City.
Nahaharap sa kasong frustrated murder ang mga suspek na sina PO3 Raiden Palma, nakatalaga sa Taguig City Police; Barangay Cental Chairman Nicknok Duenas, Ronilo Laraya at isang hindi pa nakikilalang suspek.
Ang biktima ay kinilalang si Mike Arnel delos Santos na nagtamo ng walong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kung saan ang ilang bala ay tumama sa kanyang spinal colum malapit sa ari kung kaya’t comatose ang kalahating katawan nito.
Base sa salaysay ng kaanak ng biktima na noong Oktubre 26, 2014, na ala-1:20 ng madaling araw sa Middle St., Signal Village ng nasabing barangay ay natagpuan ang biktima na nakahandusay at may nakalagay na karatula na may katagang “magnanakaw, karnaper ako huwag ninyo akong tularan” ng kanyang mga kaibigan.
Nagkataon naman na may dumaan na isang sasakyan na ang sakay ay isang pulis na nakilalang si SPO1 Ricardo Ailes, nakatalaga sa Las Piñas City Police Station, kasama ang dalawang kamag-anak na papauwi sa Taguig City na hiningian ng tulong.
Agad na tinulungan nina SPO1 Ailes at dalawang kasama ang duguang si Delos Santos at dinala nila sa ospital at dito ay kanilang nalaman na biktima ito ng salvage.
Kasalukuyang nasa safe house si Delos Santos para sa seguridad nito at may impormasyon na nais umanong makipag-areglo ng mga suspek ngunit hindi pumayag ang biktima at pamilya nito.