2 coed sugatan sa explosion

MANILA, Philippines - Dalawang kolehiyala ang sugatan nang sumabog ang bomba na inihagis ng hindi pa nakilalang lalaki sa kahabaan ng Sinsuat Avenue  sa Cotabato City noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Leslie Encina, 18 at Cristel Mae Uy, 20; pawang estudyante ng Notre Dame RVM College. Ang mga ito ay mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Ayon sa imbestigasyon ng Army’s 6th Infantry Division (ID), bandang alas-6 ng gabi ng maganap ang pagsabog  malapit sa  harapan ng Petron Station sa Crossing ng Luna St. ng lungsod.

Nakatayo sa lugar ang dalawang estudyante nang biglang sumabog ang inihagis na bomba sa gitna ng kalsada. Sinabi ng mga otoridad na maaaring ang target ng mga suspek ay ang  papadaan na military truck ng Army’s 37th Infantry Battalion (IB).

Ang nasabing home-made bomb ay gawa sa 60 MM mortar kaya lumutang ang teorya na posibleng may kinalaman dito ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Show comments