MANILA, Philippines - Dead-on-the spot ang isang 21-anyos na estudyante nang ito ay malapitang barilin ng hindi pa kilalang suspek habang nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kaibigan kamakalawa ng gabi sa Purok Ubas, Brgy. Gubat, Daet, Camarines Norte.
Ang nasawi ay kinilalang si Mark Evan Abasolo, estudyante at anak ng isang empleyado ng DTI-Camarines Norte at residente ng Holiday Homes Subd. Brgy. Lag-On, Daet. Ginagamot naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang isang nagngangalang Enrique Abiera matapos na masugatan nang barilin din ng suspek habang tumatakas.
Nabatid na kakatapos lamang na makipag inuman ang biktima sa bahay ni Niño Fermo kasama ang ilang kaibigan nang ito ay lumabas ng bahay at nakipagkuwentuhan.
Biglang sumulpot ang suspek at walang kaabog-abog na binaril ang biktima sa ulo.
Habang tumatakas ang suspek ay sumugod si Abiera kung kaya’t binaril din ito.
Humihingi ng hustisya ang pamilya ng biktima sa pamunuan ni P/Supt. Paul Abay sa agarang pagkakahuli sa nasabing suspek na hanggang sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang mga otoridad kung ano ang motibo ng pamamaslang.