MANILA, Philippines – Matapos umanong magsinungaling sa isinumiteng affidavit sa Senado at ipinalabas na isa siya sa dummy ni Vice President Jejomar Binay kung kaya’t hinamon kahapon ng United Nationalist Alliance (UNA) ang mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Sub-committee na samsamin ang mga ari-arian ni Ariel M. Olivar.
Ito ang sinabi ni UNA interim president Toby Tiagco, matapos madiskubre ang kaugnayan ni Olivar kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado.
Sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Senado na binasa ni Mercado, itinanggi ni Olivar siya ang may-ari ng isang 150-square unit sa The Peak Condominium sa Makati.
Pero, sinabi ni Olivar na siya ang rehistradong may-ari ng property at iyon naman kay Mercado ay pagmamay-ari umano ni Binay.
Nauna ng sinabi ni Tiangco na ang condominium unit na iniuugnay kay Binay ay pagma-may-ari ni Mercado na umano ay ginamit habang kasama ang dating live-in partner na si Racquel Ambrosio na nabaril at napatay nang mag-away sila umano ni Mercado noong Abril 24, 2002.
“Si Ariel Olivar ay isang surveyor ng Freeway Surveying na merong opisina sa Kristine Building sa Makati. Si Mercado ang may-ari ng kumpanya,” dagdag ni Tiangco.
Nakalista rin umano si Olivar bilang board member ng Twinleaf Group Inc. na pag-aari ni Mercado at sa pamamagitan ng naturang kumpanya ay nakuha umano ni Mercado ang mahigit P1 bilyong halaga ng mga infrastructure at ibang proyekto sa Makati noong siya pa ang vice mayor dito.
“Gumamit si Mercado ng dummy nang panahong iyon para itago ang kanyang mga kayamanan hanggang matalo siya ni Junjun Binay sa halalang lokal noong 2010.
“Katawa-tawa na maging dummy ni VP Binay ang isang tao na hindi lang matagal nang tauhan ni Mercado kundi mukhang kamag-anak pa.” wika ni Tiangco.
Idinagdag pa ni Tiangco na dapat ding hilingin ng Senado sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng lifestyle check kay Mercado na may sariling isla sa Palawan.