MANILA, Philippines - May pinipili at may kinikilingan ang Senado nang agad inabsuwelto si Senate President Franklin Drilon na iniimbestigahan sa overpricing sa pagpapagawa ng Iloilo Convention Center.
Binatikos kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco na muling nalantad ang double-standard na pinaiiral ni Senador Antonio Trillanes IV nang ipanawagan nito na tapusin na ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ICC.
Mistulang nakalimutan ni Trillanes kung paano pumalpak sa pagbibigay ng testimonya ang tinatawag na mga resource person laban kay Vice President Jejomar Binay, pero pinayagan pa rin ito ng mga senador na magbigay ng mga sinumpaang kasinungalingan.
“Nagbubulag-bulagan si Trillanes dahil gusto niyang isalba si Drilon. Baka nakalimutan niya na si Renato Bondal, napilitang umamin na hinulaan lang niya ang presyo ng birthday cake na sinabi niyang overpriced, at si (dating Makati Vice Mayor) Ernesto Mercado, ilang beses nang nahuling nagsinungaling, lalo na noong sinabi niya na siya ang nagbayad at sumakay sa helicopter na kumuha ng video ng Sunchamp farms sa Rosario, Batangas pero hindi naman pala totoo,” wika ni Tiangco.
Magugunita na hiniling ni Trillanes kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Teofisto Guingona III na huwag nang magdaos muli ng pagdinig sa ICC makaraang mabatid na kumuha lang ng impormasyon sa internet ang isang testigo nito noong nakaraang linggo.
“Malambot ang mga Senador kay Drilon pero napakahigpit sa mga whistleblower. Ibang-iba sa binibigay na pagtrato sa mga kunwaring witness sa Makati probe” sabi pa ni Tiangco.