MANILA, Philippines – Bagama’t ayaw pang kumpirmahan ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pahayag ng dalawang security official na nakabase sa Sulu na brutal ang pagkamatay ng limang sundalo matapos na tadtarin ng taga sa katawan ay pinugutan pa ang mga ito ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na pinaniniwalaang naka-droga sa limang oras na bakbakan sa Talipao, Sulu noong Biyernes.
Ang limang sundalong nasawi ay pawang miyembro ng elite Scout Ranger Company na isinabak sa lalawigan upang lipulin ang Abu Sayyaf na sangkot sa kidnapping for ransom kung saan siyam pa ang hostages na hawak ng mga bandido sa Sulu.
Nakasagupa ng militar ay ang nagsanib puwersang grupo nina Commander Radullan Sahiron; mga Sub Commanders na sina Hatid Sawadjaan, Hairullah Asbang at Julie Ekit na kung saan ay napaulat na 10 sa mga miyembro nito ay nasawi at inilibing na bago pa man dumating ang tropang gobyerno habang 18 ang sugatang nakatakas na posibleng umabot pa sa 30.
Kabilang naman sa mga nasawi sa Abu Sayyaf ay ang Sub-Commander ng mga ito na si Hairullah Asbang; Betting Jakka, bayaw ng kanilang Commander na si Radullan Sahiron, isang tinukoy na Hamer Absara habang ang iba pa ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Magugunita na bandang ala-1:30 ng hapon nang makasagupa ng mga sundalo ang nasa 300 bandido sa Brgy. Bud Bunga,Talipao kung saan umabot ang bakbakan hanggang alas-4:30 ng hapon.