2 bata utas sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Dalawang batang lalaki ang nasawi nang tamaan ng ligaw na bala ng sum­pak mula sa nagpaputok na kapitbahay kamakalawa sa Valenzuela City.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina John Rey Claraval, 8; at Timothy Joshua Mapalad, 7, kapwa residente ng Pinagpala Extension, Area 4, Pinalagad, Brgy. Malinta ng nasabing lungsod.

Habang nasugatan nang madaplisan ng bala sa kanang kamay ang isang Ronnie Montemayor, 28, residente rin ng lugar.

Naaresto agad ang suspek na si John Carlo Bayagosa, 24-anyos.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong ala-1:00 ng hapon ay nagkasagutan sina Montemayor at Bayagosa sa hindi mabatid na dahilan.

Umuwi ng bahay si Ba­yagosa at nang bumalik ay armado na ng isang sumpak.  

Nagawa namang maki­pagbuno ni Montemayor sa naturang armas ngunit naiputok pa rin ng suspek at tinamaan ang dalawang bata at nadaplisan ang una.

Ang suspek ay kinasuhan ng multiple homicide, frustrated murder at illegal possession of firearms and ammunitions.

 

Show comments