MANILA, Philippines – Ligtas sa Ebola virus ang 108 miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsilbing peacekeepers sa bansang Liberia nang ito ay suriin bago pa dumating pabalik sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng AFP matapos ang mga ito ay suriin ng dalawang doktor at isang paramedic mula sa Pakistani Medical Hospital sa ilalim ng United Nations Mission sa Liberia.
Ang resulta ay ipinarating sa AFP peacekeeping Center sa pamumuno ni Col. Roberto Ancan.
Magugunita na ang Guinea, Liberia at Sierra Leone ay mga bansa sa West African na tinamaan ng Ebola outbreaks.
Inaasahang darating ang nasabing mga peacekeepers sa Nov. 11, 2014.
Ang pagsusuri sa Ebola ay requirement para sa mga peacekeepers bago ang pagbabalik nila sa bansa at ang mga ito ay ika-quarantine sa Cabalo Island sa loob ng 21 araw pagdating sa bansa.