MANILA, Philippines – Isang babae na pinaniniwalaang nagpakamatay sa pamamagitan nang pag-inom ng lason sa loob ng banyo ng isang mall sa Pasay City kahapon ng umaga.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival ay kinilala sa pamamagitan ng nakuhang ATM card na si Annabell G. Frias.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang matagpuang nakahandusay ang biktima sa loob ng banyo sa ikalawang palapag ng parking area ng Pasay Victory Mall na matatagpuan sa Libertad St. ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng janitor ng mall na si Edward Sindac, 30, kasalukuyan siyang naglilinis ng banyo ng mga lalake na katabi ng banyo ng mga babae nang tawagin siya ng kasamahang si Sinforoza Sabalboro, 53 dahil sa nakitang babae sa banyo.
Nang silipin ang loob ng banyo ay nakita ang biktima na nakalawit ang dila at nang buksan ang pinto ay nakasarado ito.
Kaya’t umakyat ito sa itaas upang mabuksan ang pintuan at tumambad ang isang babaeng nakahandusay. Agad nila itong dinala sa ospital, subalit idineklara itong dead on arrival.
Narekober ng mga otoridad sa lugar ng krimen ang dalawang plastic ng silver cleaning solution na hinihinalang ginamit ng biktima sa pagpapakamatay.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon kung may naganap na foul play.