MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang isang ministro ng Simbahang Katoliko at anak nitong 5-anyos na lalaki matapos na lamunin ng ilog nang abutin ng malakas na agos ng baha sa Tabuay River, Mabinay, Negros Oriental.
Kinilala ng Negros Oriental Police, ang mga nasawing biktima na sina Bro. Junrey Abueva, 27-anyos at batang anak na si Junrel.
Sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga ay kasalukuyang tumatawid sa ilog si Junrey kasama ang misis nito at anak nitong si Junrel nang biglang dumaloy ang malakas na agos ng tubig baha sa ilog.
Nagkataon na kalagitnaan nang abutan ng baha ang mag-anak at tuluy-tuloy na nilamon ng malakas na agos ang mag-ama habang masuwerte namang nakaligtas ang misis matapos na makakapit sa sanga ng punong kahoy na inanod ng baha.
Naglunsad ng search and rescue operation ang mga otoridad at narekober ang bangkay ni Junrey dakong alas-3:00 ng hapon sa Brgy. Malingay may 500 metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente.
Sumunod namang natagpuan kamakalawa ang bangkay ng anak nitong si Junrel.
Ang nasabing pagragasa ng tubig baha sa sa ilog mula sa kabundukan sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar na nag umpisa pa bago mag-Undas.