MANILA, Philippines – Anim na sundalo ang nasawi nang maka-engkuwentro ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) kahapon ng umaga sa Sumisip, Basilan.
Sa pahayag ni Col.Rolando Bautista, kumander ng 104th Army Brigade, dakong alas-7:30 ng umaga ay nagpapatrulya ang 64th Infantry Battalion bilang pagbibigay-seguridad sa itinatayong 64-kilometrong Basilan Circumferential Road nang makasagupa ang nasa 20 bandido sa Sitio Mompol, Barangay Libug.
Halos tumagal ng 45 minuto ang bakbakan, at kabilang sa nasawi ang isang bagitong second lieutenant.
Nagpadala na ng dagdag-pwersa sa lugar para tugisin ang naturang grupo ng Abu Sayyaf na pinamumunuan umano ng isang Radzmi Jannatul.
Tiniyak naman ni Bautista na papanagutin nila ang responsable sa pagkamatay ng mga sundalo.
Nabatid na target matapos ang Basilan Circumferential Road bago matapos ang taon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinabotahe ng mga bandido ang proyektong para sa mga residente ng probinsya.