MANILA, Philippines – Pinatotohanan ng dalawang modelo ng club ang isinampang rape sa NBI ng kanilang kasamang si Maureen, 29 laban kay P/Supt.Erwin Emelo, hepe ng Southern Police District Special Operation Unit (SPDSOU) noong Oktubre 23.
Kahapon ay lumutang sa NBI at humarap sa media si Maureen at dalawang kasama na itinago sa pangalang Kim, 20 at Kyla, 21, pawang modelo ng Miss Universal na matatagpuan sa Harrison St., Pasay City.
Ayon kina Kim at Kyla na totoo ang naganap na pagsalakay at paghuli sa kanila ng mga tauhan ng SPD-DSOU sa pangunguna ni Supt.Emelo.
Anila, silang dalawa ay nakaligtas sa isinalang sa inquest proceedings at nakalaya ng walang kaso dahil inihiwalay sila sa mga kakasuhan, bukod kay Maureen at isang kaibigan na si Aiko.
Nakita nila nang ipinatawag si Maureen at ayaw payagan na samahan ni Aiko nang papasukin sa opisina ni Col. Emelo.
Hinanakit din nila kung bakit habang sila ay nagbibihis ng damit, pawang naka-underwear ay pinipiktyuran sila ng mga operatiba ng DSOU.
Ayon kina Maureen, Kim at Kyla na hindi sila mga guest relations officers (GROs) dahil hindi sila naite-table at hindi nailalabas ng kustomer kundi nagmomodelo lamang sa club.
Kaya umano sila naihiwalay sa mga kakasuhan dahil may work permit sila at tinulungan sila ng ibang operatiba ng SPD na kumakausap sa kanila.