MANILA, Philippines – Nilamon ng apoy ang dalawang palapag ng isang apartment sa naganap na sunog kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Sa ulat ng Caloocan Fire Department, dakong alas-8:45 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa apartment building sa may Raja Sulaiman Street, Brgy. 37 at nagmula umano ang apoy sa unit na tinitirhan ng pamilya ni Marlyn Esperanza sa ikalawang palapag ng bahay.
Humigit kumulang na kalahating oras bago tuluyang naapula ang apoy at naiwasan na kumalat pa ito sa mga katabing bahay na pawang mga yari sa light materials.
Umaabot sa 10 pamilya ang naapektuhan sa naturang sunog at walang naiulat na nasawi o nasugatan.