MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 29-anyos na guest relation officer (GRO) laban sa isang police colonel na nanghalay sa kanya matapos na sila ay arestuhin nang salakayin ang pinapasukang club sa Pasay City noong madaling-araw ng Oktubre 23 ng taong kasalukuyan.
Ang suspek ay kinilalang si P/Supt. Erwin Emelo, hepe ng Southern Police District Special Operation Unit (SPDSOU).
Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Maureen, na noong Oktubre 23 dakong alas-2:00 ng hapon nang siya ay halayin umano ni Emelo sa loob ng opisina nito sa SPD Headquarters, Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon sa biktima na bago ang panggagahasa sa kanya ay ni-raid ng operatiba ng SPDSOU sa pamumuno ni Emelo ang pinapasukan niyang Universe Club and KTV Bar, na matatagpuan sa kahabaan F.B. Harrison St., Pasay City noong Oktubre 23 ng madaling araw.
Ang pangri-raid umano ng SPDSOU ay nang sila ay makatanggap ng reklamo na ang mga waiter at GRO ay walang kaukulang working permit at nagpapalabas ng bold show at nadakip dito ang 65 na nagtratrabaho kabilang ang biktimang si Maureen.
Ayon sa biktima siya ay dinala sa opisina ni Emelo at doon umano siya hinalay.
Kaagad na sinibak ni SPD Officer-In-Charge, P/ Chief Supt. Henry Ranola Jr., si Emelo bilang hepe ng SPDSOU.
Pinabulaanan naman ni Emelo ang akusasyon at handa umano siyang harapin ang kasong isinampa sa kanya ng biktima.