Nanay, 2 anak nilamon ng dagat

MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang masasayang paliligo sa dagat ng isang ina at dalawa nitong anak matapos na sila ay malunod nang tangayin ng malakas na alon kamakalawa sa Brgy. Bolong, Zamboanga City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Emely Angeles, nasa hustong gulang; mga anak nitong si Jay–Ar at Ana Marie, 9-anyos; pawang mga residente ng Sitio Bucana, Brgy. Bolong ng lungsod na ito.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-11:40 ng umaga ay masayang naliligo sa dagat ang tatlo nang mapagawi sa malalim na bahagi ng karagatan hanggang sa ta­ngayin ng malakas na alon at nalunod.

Agad nagresponde ang rescue team ng Bolong Community Police Action Center at ilang oras ay  magkakasunod na lumutang ang bangkay nina Emely Angeles at Ana Marie habang pinaghahanap pa ang bangkay ni Jay-Ar.

 

Show comments