MANILA, Philippines - Binaril sa likod ang isang 36-anyos na lalaki ng kapitbahay na pulis na may sama ng loob sa una kamakalawa sa Tondo, Maynila.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Alaska Sanchez, jobless, residente ng no. 235 Honorio Lopez Boulevard, Balut, Tondo. Nagtamo ito ng tama ng bala sa likod na tumagos sa harapan.
Ang suspek ay kinilalang si PO1 Riad Fernando, nakalatalaga sa NCRPO at residente sa no. 235 H. Lopez Blvd., Tondo.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga ng Linggo ay nagpapahinga sa kanyang kuwarto ang biktima nang ito ay pasukin ng suspek na kadikit ang kuwarto ng biktima at walang sabi-sabing pinutukan.
Nagmamakaawa na umano ang biktima nang dumating ang kapatid at umawat kaya hindi na muling binaril at tumakas na.
Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek na inabutan na natutulog, subalit hiniling ng chairman na nakasasakop sa lugar na sa kaniya muna idaan ang suspek dahil nais umano nitong sumuko.
Habang isinusulat ang balitang ito ay sinabi ni PO3 Amelito Lopez, follow-up group ng Homicide Section, hindi pa naitu-turn over sa kanila ang suspek para sana isalang sa inquest proceedings sa kasong murder.
Sa nakuhang impormasyon ay may dati nang alitan ang biktima at suspek na may kaugnayan sa droga.