Hindi nagbayad sa inutang na pagkain, tinodas

MANILA, Philippines – Kamatayan ang naging kabayaran nang pagiging manunuba umano ng isang street sweeper  sa Luneta Park nang ito ay saksakin ng tatlong beses ng  isang parking attendant na inutangan nito ng kanin at ulam  kamakalawa ng  gabi sa  Ermita, Maynila.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Lorna Faedacan, 53. Habang ang suspek na kusang loob na sumuko sa pulisya ay kinilalang si Eduardo delos Reyes Jr., alyas “Dayo” 40, tubong Western Samar.

Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:30 ng gabi sa harapan ng Manila Hotel, Phase 2 ng Rizal Park, Ermita ay sinisingil umano ng suspek ang  biktima  sa inutang nitong ulam at kanin.

Subalit sa halip na makiusap na walang pambayad ay nagalit at pinagmumura nito ang suspek na humantong sa mainitang pagtatalo.

Nagdilim ang paningin ng suspek at kumuha  ng patalim at pinagsasaksak ang biktima.  

Show comments