MANILA, Philippines - Apat na umano’y bigtime drug pusher ang inaresto nang makumpiskahan ang mga ito ng apat na kilong shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon sa isang buy bust operation kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Larex Pepino; Jayborn Ruira; Jahar Radin at Nelson Conarco, pawang mga naninirahan sa Bayani Road, Barangay Western Bicutan ng lungsod.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Taguig City Police at PNP AIDSOTF sa Bayani Road ng nasabing barangay.
Nagpanggap na bibili ng 400 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000.00 ang isang pulis na na poseur buyer at nang magkaabutan na ng items ay dito na sumulpot ang mga otoridad at inaresto ang mga suspek.
Samantala, pitong katao naman ang naaresto sa isang buy bust operation sa San Mateo, Rizal kamakalawa ng alas-6:30 ng gabi.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Lote Samson, 35; Rusty Samson, 24; Menandro Santos, 43; Dennis Estrada, 33; Monica Custodio, 31; Rommel Denobin, 31; at isang Angeline,41, na pawang residente ng Barangay Ampit 1, Barangay Ampito 2 at Barangay Sta. Ana., San Mateo, Rizal.
Narekober sa mga suspek ang may 25 plastic sachet ng shabu.