Hindi nakapag-remit sa benta ng droga: 4 itinumba

MANILA, Philippines - Itinumba ang apat na katao kabilang ang dalawang babae sa loob ng isang bahay nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek kamakalawa ng gabi sa  Brgy. St. Peter 1, Dasmariñas City, Cavite.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jayson Legaspi 27, binata, may-ari ng pinangyarihang ng bahay; Renante Bulatao, alias Spider, 45, may-asawa, residente ng Blk. 1, Lot 12, Brgy. San Isidro Labrador 2; Marjorie Ellaso alias Nica,  21, dalaga,  ng Blk. 9, Lot 6, Brgy. San Luis 2 at isang hindi pa na kikila­lang babae. Habang mabilis na tumakas ang tatlong lala­king suspek sakay ng isang motorsiklo.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi ay masayang nagkukuwentuhan ang mga biktima sa bahay na pag-aari ni Legaspi nang pumasok ang mga suspek na armado ng baril.

Walang kaabog-abog na pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima.

Nagawa pang makatakbo palabas ng bahay si Legaspi, suba­lit hinabol ito at muling pinagbabaril.

Lumalabas sa imbestigasyon na hindi umano nakapag-remit ng hala­gang P250,000 sa pinagbentahan ng droga ang napatay na si Legaspi na posibleng motibo  ng pagpatay.

Show comments